Hindi mo pa rin ba ma-gets yung nangyari kay Kristel? Feeling mo ba e nagpupuyos ka sa galit dahil may isang batang Iska na kumitil ng sariling buhay, pero di mo alam kung sino ang dapat sisihin? Umabot ka ba sa puntong si Kristel na mismo ang sinisi mo dahil sinukuan niya ang buhay? O wala ka bang naramdaman man lang na galit, kundi naawa lang saglit at nagkibit-balikat na lang?
Me gusto akong sabihin sa iyo.
Parang ganito yan Bok. Brad. Pards. Pre. Tol. Tsong. Mads. (Teka, ano ba uso ngayon…) Ok. Teh. Parang ganito yan teh.
Isipin mo kunyari ang Pilipinas e parang baryo. Me ilog na dapat tawirin para umunlad ang buhay ng mga tagabaryo. Meron namang tulay. Isipin mo, ito yung papel ng edukasyon, parang tulay. Dito tumatawid ang mga tao para sa dagdag na kaalaman sa buhay, para mas umunlad ang kabuhayan nila.
Ang kaso, marupok na yung tulay. Umuuga pag sabay-sabay tumawid. Yung ibang parte nito, wala nang solidong aapakan at kakapitan, kundi hubad at kinakalawang na kable. Napabayaan kasi ng barangay. Yung pondo kasi, kinukurakot, ginagamit sa pagpapaganda ng mga bahay ng opisyales. Sabi nila, ipapaayos ang tulay pero kelangan ng pera. Maniningil ng dagdag sa tao, tapos ganun pa din.
Hirap na hirap ang mga tao sa pagtawid. Pero alam mo naman ang kabataan, malakas ang loob, madiskarte. Kahit siksikan sa pagtawid, kahit umuuga na ang tulay, kahit gabi, sige pa rin. Kelangan e.
Isa rito si Nene. Medyo lampa si Nene. Kulang sa liksi at madaling matisod. Pero nakipagsapalaran pa rin siyang tumawid sa tulay dahil gusto din niya umunlad ang buhay nila.
Dahil sa lakas ng indayog ng tulay, dahil marupok at baku-bako, dahil sa dami ng ibang tumatawid, dahil lampa siya, dahil walang umalalay sa kanya, dahil maulan at mahangin ang kapaligiran noon, at dahil sa marami pang bagay—na minsan ay hindi madaling maarok—teh, nadulas si Nene. Nakapangunyapit sandali. Yung ilang katabi niya, ubos-lakas siyang sinunggaban. Pero talagang ganun yata. Pag talagang mahina ka na, madali ding maubos ang lakas mo, at mapapabitaw ka na. Tuluyang nahulog sa ilog si Nene, at hindi na nailigtas.
Ngayon, matanong lang kita, teh.
Sino’ng me kasalanan sa pagkalunod ni Nene? Siya mismo, dahil mahina siya? (Sabi ng ilan, “Tatatanga-tanga kasi.”) Yung mga kasabay niya tumatawid, dahil di siya inalalayan? (Sabi ng ilan, “Ang titigas kasi ng ulo, gustong tumawid lahat.”) Yung tulay mismo, dahil marupok ito? (“Tang-inang tulay yan! Dapat diyan wasakin nang tuluyan!”) O yung barangay na dapat responsable sa pagmentina ng matibay, malapad at ligtas na tulay?
O baka ayaw mong maghanap ng masisisi. Ganito na lang, teh: Ano sana ang pwedeng nagawa ng baryo para hindi siya nadisgrasya? Ano sana ang pwedeng gawin ng baryo para hindi na maulit ang ganitong aksidente?
Maraming Nene sa ating lipunan. Biktima din sila ng bigong pagtawid sa marupok na tulay, at di nakarating sa kabilang pampang. Iba-ibang klaseng Nene. Si Kristal, nagpakamatay. Si Daisy, nagbenta ng laman. Si Inday, nagkatulong sa bahay ng mayaman. Si Pedring, pedicab driver na. Si Uryo, naging holdaper, sinalvage ng pulis. Ano kaya’t sisihin na lang natin silang lahat? Mahina kasi sila, kaya nahulog sa tulay at tuluyang tinangay ng ilog.
Dapat magaling sa remedyo para umasenso di ba? Survival of the fittest, di ba? Piliin na lang natin yung iilang matipuno at madiskarte, para sila na lang ang tumawid sa ilog. Tingin mo teh, andyan ang kalutasan sa pagkapariwara ng napakaraming kabataan?
Me ilan akong idea na baka makatulong sa paghahanap ng solusyon, teh. Hindi nga lang magkakasya sa maliit na ispasyo’t oras na inilaan ko dito ngayon. Sa akin lang, huwag na tayong patali sa kanya-kanyang diskarte ng pagtawid sa tulay. Tumingin tayo sa mas malawak at mas matagalan. Dapat ireporma ang buong barangay. Sa ganun, yung pondong bayan e magamit sa pag-aayos ng tulay, at pagtatayo pa nga ng mas matinong tulay kung kailangan.
Ganoon sana tumingin ang lahat ng kababaryo natin, teh, lalo ang kabataan.
Ako? Tinatanong mo kung paano ako nakatawid sa tulay noong kabataan ko?
Aaminin ko sa iyo teh. Nung minsang tangkain ko na tawirin ang tulay, sa gitna ng bumabagyong karimlan, haginit ng unos at buhos ng ulan, napaatras ako. Hindi ko na itinuloy ang pagtawid. Humanap ako ng ibang tawiran, kumapit sa bato at kawayan, para makatawid sa ilog. Marami-rami akong kakilala na nakahanap din ng ibang ruta patawid ng ilog. Yung ilan, hindi pinalad.
Sana nga, magkatotoo ang pangarap ng baryo na makapagtayo ng magandang tulay, para lahat ay makatawid sa ilog nang ligtas at maayos.
Basta ito ang masasabi ko sa iyo teh. Meron akong mga kasamahan. Sa aming payao’t paritong paggala sa gilid ng baryo’t ilog, may nakita kaming mas magandang lugar na pagtatayuan ng bagong tulay. Interesado kang makita? Gusto mo, pasyalan natin ngayong bakasyon?
Sabihin mo lang kung kelan. # Follow @junverzola