Mukhang kagalang-galang na ako ngayon, mga tol. Sa galaw at salita. At pag sinumpong, pati sa suot. Pero di ako ganito mula pagkabata. Me panahong astang lumpen ako bok. Siga sa suot at salita. Pati sa gawa kung kelangan.
Tibak kasi ako nung kabataan ko, at marami akong barkada na ganundin. Kahit galing kami lahat sa uring petiburgis, talagang itinulak namin ang sarili na bumabad sa masa, at umastang masa. Maski minsan e O.A. na, at wala sa lugar.
Ganun kami nun ng mga barkada ko. Puro barumbadong maka-masang intelektwal-kulturati-kuno. Sipilyo, twalyang Good Morning, bolpen, at pang-Grade 6 na notbuk. Yun lang halos ang baon namin, pwede nang bumabad sa purok-iskwater.
At dahil astang masang-siga nga kami, isa sa matinding kinaiinisan namin e yung ibang intelektwal-kulturati-kuno na barumbado rin tulad namin pero ayaw bumaba sa lebel ng masa. Eto yung mga iba dyan na masyadong mapagpanggap, gustong ipamarali na edukado sila. Dinadaan sa pasiklab ng mga malalim na salitang Ingles na di namin gets ang meaning to say. Tulad ba ng actually, as a matter of fact, in the final analysis, at the end of the day, as far as I’m concerned, expressive dichotomy, aesthetic detachment, paradigmatic analysis, well and good, moot and academic, eschew, estoppel, escrow, estafa, atbpg estariray na termino.
Kami kasi ng mga katropa ko, tol, kahit gaganyan-ganyan na parang walang modo, e sumabak kami sa mahirap na buhay na babad sa masa. Hindi na halata ngayon kasi respetado na ang arrive namin. Pero kung nag-tibak ka nung dekada 70, natuto kang dumiskarte sa tsibug, kahit isaw at singkamas maghapon. Natuto kang sumemplang kung saan abutan ng gabi at di na makauwi. Pwede sa punerarya, sa lobby ng ospital, sa istasyon ng bus, sa isang sulok ng Luneta. Natuto kang bumagay sa buhay-iskwater. Sang kahig sang tuka, ibalot sa diaryo ang ilang pirasong tuyo saka sunugin para sa tustadong agahan. Ilagay ang ebak sa plastik na supot saka itapon sa estero. UFO nga, di ba?
Higit sa lahat, natuto kang umangkop sa salita ng masa. Pag kausap mo sila, magsabi ka na ng kung anu-anong kabalbalan, pero wag na wag kang babanggit ng “Actually, as a matter of fact, in the final analysis” at mga kahawig na salita. Pag napasabak ka kasi sa mga halang-ang-sikmurang lumpen-petiburgis na astang masang-tigasin gaya namin, kawawa ka.
Noon kasi, pag me narinig kaming tulad naming petiburgis, pero konyotik o mala-Kris Aquino ang bungangang namumutiktik sa “Actually,” tiyak, kawawa siya sa kantyaw. “Ows, talaga? Actually ha? Narinig mo tol, actually daw? O, actually naman pala e. Sabi na sa inyo, actually dapat.”
Sa mga nagdaang taon, eto ang naging paboritong salitang-ewan ng mga taong showbiz. Bawat pangatlong salita, merong “Actually…” Minsan me dagdag na pasakalyeng “Parang…” You know, like in da Ingles “like.” Kasi, pag wala kang maisip pero gusto mong masabing articulate and intelligent, mainam na ipasakalye ang “Actually.”
Nung tumagal, nahawa din ako sa sakit na ito. Pero ibang viral strain, tol. Nalulong ako sa nakaririmarim na salitang “Essentially.” Para akong intelektwal-kulturati-kuno na bawat pangungusap e tadtad ng essentially.
Hanggang sa napansin ko ito, at tinanong sa sarili: Teka, meron bang usapin na gusto mong sabihin, pero hindi siya essentially? Di ba lahat naman ng dapat nating sabihin e essentially? Ako halimbawa, essentially lalaki. Ano kaya’t me magsabi sa akin na ako e lalaki, pero hindi essentially? E kung kaladkarin ko kaya sya sa pusali. Eto pa: ano kaya reaksyon mo kung batiin kita ng “Good morning, essentially.” Baka pandirihan mo ko, di ba?
Kaya, yun, ipinangako kong itigil na yang adiksyon ko sa essentially.
Ang kaso, nitong nakaraang ilang taon, me bagong pumalit sa actually at essentially. Buti na lang hindi ako nahawa. Saglit lang pala, nahawa din ako. Pero nakarekober agad. Ang kaso, ang dami kong kaibigan at kakilala, tinamaan ng sakit na to. Tindi talaga, tol, mas pamatay sa dengue. Ang tawag sa sakit na ito e “Basically.”
Nung una, sariwa ang dating. “Basically, we have achieved our growth targets for Q1.” Parang tunog-propesor o ekonomista pag narinig mo. Pero purga na ako tol. Sa tuwing me naririnig akong sandamukal na basically, gusto ko siyang ikadena, kastiguhin, busalan, at sampal-sampalin para matauhan. “Basically ka dyan!” Syempre, di ko ginagawa. Kaibigan ko sila e.
Kaya, eto. Sa blog ko na lang ilalabas ang aking pagkarindi. So there. You have been officially forewarned. If I hear you uttering that vile word one more time, I will basically strangle you! #Follow @junverzola