Baka kako nakalimutan mo, kaya ipapaalala ko lang.

Dear nakaputing magpipiknik bukas sa Luneta pero ayaw ng gulo:

Nitong ilang nakaraang araw, nagtimpi ang marami sa Kaliwa (kasama na ako doon) sa hayagang pambubuska at insulto ng iilang maingay sa masmidya at social media. Ayaw daw nilang isali sa Million March ang Kaliwa dahil magulo daw kami. O kung kasali man, ayaw nilang sumigaw kami ng militanteng islogan at magwagayway ng bandilang pula. Yung ilan, garapalan na kung manghamon at mang-intriga: bawal daw sa Luneta ang mga Komunista.

Ayokong mang-away ngayon. Baka umabot doon saka-sakaling hindi na mapigil, pero huwag muna sa mga araw na ito. At hindi ikaw ang kaaway ko. Kaya sa ngayon, ang gusto ko lang e magpaalala dahil, ‘ikako, baka hindi mo alam, o baka nakalimutan mo na, ang ilang bagay:

1. Ang Agosto 26 ay orihinal na itinakdang araw ng paggunita sa Unang Sigaw sa Balintawak (na nang lumaon, ayon sa ilang istoryador, ay noong Agosto 23 pala at sa Pugadlawin idinaos). Gayumpaman, marami pa din ang gumugunita nito sa Agosto 26, bilang Araw ng mga Bayani. Kaya naman siya official public holiday, di ba? Para gunitain ang mga bayani tulad nina Gat Andres Bonifacio at ibang kasapi ng Kataas-taasan, Kagalang-galang na Katipunan ng manga Anak nang Bayan. Nakalimutan mo na ba ang itsura nila? O eto, ipaalala ko sa iyo:

Gat Andres Bonifacio
Ang mga orihinal na militanteng magugulo: Si Gat Andres Bonifacio at ibang kasapi ng Katipunan, merong dalang bandilang pula, nagsisisigaw ng kung anu-anong islogan, at may dala pang mga itak at tulos ng kawayan.

Siguro naman, napansin mo na bagamat tila nakaputi si Dong Andres, may dala silang bandilang pula. (Huwag nang banggitin yung mga itak, baril, at tulos ng kawayan.) Kaya huwag mo naman masamain kung magdadala din kami ng mga bandilang pula, bilang pagpupugay sa kagitingan ng ating mga bayani.

2. May ilang nagsabi (at malamang narinig mo na rin) na ang Million March daw ay gustong i-hijack ng mga Kaliwa. Alam mo, yung salitang hijack, ang implikasyon niyan e pwersahang nang-aagaw ng hindi sa kanya.  Etong Million March, walang may-ari nito kundi sambayanang Pilipino. Kasama ka doon. Kasama ang milyun-milyong indibidwal na walang sinasaligang organisasyon. Pero kasama din ang milyun-milyon pang organisado na–bilang mga unyon, samahang magsasaka, samahang kabataan, asosasyon ng tsuper, asosasyon ng maralita, konsehong mag-aaral, teachers association, at marami pang iba.

Walang sinumang iisang grupo na pwedeng magdikta, na may karapatang ipuwera ang iba. Kaya huwag kang matatakot na me manghi-hijack. Mas matakot ka kaya, dahil me iilang nagbabalak magkalat ng kung anu-anong intriga para masira ang malawak na kaisahan ng hanay laban sa pork barrel at mag-away-away ang mga grupong kalahok. Kung ito ang manaig, baka hindi malubos ang tagumpay ng kilos protesta sa Agosto 26. Yun ang totoong hijack.

3. Me ilan diyan, ang tawag sa mga nasa kilusang maka-Kaliwa e Komunista agad. Na para bang pag sinabing Komunista e halimaw na dapat iwasan kung di man itakwil.

Alam mo, hindi naman sa pagyayabang, no? Pero sa kadiliman ng mga unang buwan at taon ng martial law, noong milyun-milyong Pilipino ang napwersang manahimik kahit tutol sa diktadura at naghihimagsik ang loob, iilan lang ang lantaran, harapan, at tuluy-tuloy na lumaban sa diktadurang US-Marcos. At sa iilang ito, ang nasa unahan ay ang mga tinatawag mong Komunista. Sila ang mayorya sa mga inaresto, itinapon sa kulungan, tinortyur, nireyp, binartolina ng ilang buwan o taon pa nga, sinalvage, o pinatay habang lumalaban.

Subukan mo kayang pumasyal sa Bantayog ng mga Bayani, silip-silip din sa mga pangalang nakaukit doon pag may time. Hindi ibubulong sa iyo ng mga memorabilia, hindi isisigaw ng mga testimonyang nakasulat ang buong kwento ng mga martir na nakalista doon at pinaparangalan taun-taon. Pero ipauuna ko nang sabihin sa iyo: 80 porsyento sa kanila ay mga miyembro ng Partido Komunista o ng New People’s Army nang sila ay malugmok. Kung hindi dahil sa pag-alay nila ng buhay, hindi sana napahina hanggang sa tuluyang natumba ang diktadura.

Kaya hinay-hinay ka lang sa mga salitang mapanlait o mapanliit sa mga Komunista, dahil pustahan tayo, hindi mo siguro makikilala ang isang tunay na Komunista kahit katabi mo na sa rally bukas.

Maganda nga tignan ang nakaputi, kung yun ang piliin mong isuot bukas. Presko’t malinis tignan. Ituloy mo lang na magpiknik kasama ng pamilya mo. Kung nagpipiknik nga tayong mga Pinoy sa libingan ng patay, maano na lang sa araw ng protesta. Maraming pwedeng gawing gimik, at walang masamang mag-enjoy habang nagpapahayag ng mga isyu.

Ngayon, kung habang nakapwesto ka roon e meron kang napagmasdang laksa-laksang hanay na nagmamartsa parating, pawisan sa mahabang lakad, babae’t lalaki, bata’t matanda, naka-sotana’t naka-daster, may sari-saring-kulay na suot at bandana at bandila, paalun-along dumarating na tila walang katapusan, nagtutulak ng karitong may loudspeaker, nakasampa sa bubong ng gusgusing dyip, umaawit, tumutugtog, sumasayaw, nagtatawanan, magkakapit-bisig, kumakaway, ngumingiti, at humahanap hindi ng aawayin kundi ng kababayan at kaibigan na kapwa api, na pwedeng kadaupang-palad sa pag-unawa at pagtugon sa mga isyu–kami yun. Ang “kinakatakutang” KALIWA.

O, paano. Kita-kits na lang bukas. Ilang milyon tayong magmamartsa, di lang sa Luneta, kundi sa marami pang plasa’t kalsada sa buong kapuluan, at pati mga kabayan natin sa ibayong dagat, para sa katotohanan at katarungan.

O, ayan. Kung nakasimangot man si Bonifacio sa kanyang larawan, at least ako nakangiti na. Naibulalas ko na ang niloloob ko. Sana, ikaw rin. 🙂 #

Leave a Reply